Marso 25, 2024 12:13am GMT+08:00
Kung kakasuhan umano ang barangay tanod na nagligtas sa kaniya dahil sa pagpatay sa asong umatake sa kaniya na si “Killua,” sinabi ng 69-anyos na babae sa Bato, Camarines na dapat alamin muna ang buong pangyayari.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabi ni Cleofe, na pauwi na siya galing sa simbahan nang makita niya ang dalawang aso sa kalsada.
Pero ang isa sa mga aso, bigla na lang umano siyang sinugod at kinagat siya sa paa. Dahil na rin sa sobrang nerbiyos, sinabi ni Cleofe na natumba siya.
Pinapalayo raw niya ang aso hanggang sa dumating na ang tanod na itinago sa pangalang “Carlos.”
“Parang galit na galit, gusto talagang mangagat,” ani Carlos.
“Siguro kundi ako naano [natulungan] baka ako pa ang unang napatay kasi inaatake na ako ng high blood ko,” kuwento ni Cleofe.
Ayon kay Carlos, hinabol at nakagat din siya ng aso, at tinangka pa raw ng hayop na atakin ang kaniyang asawa na mabuting nakasampa ng lamesa.
Para hindi na makakagat pa ng iba, hinabol ni Carlos ang aso sa kalye. Ang buong eksena sa nangyaring insidente, nakuhanan ng CCTV camera.
Ang aso, ang golden retriever na si Killua, na alaga ni Vina Rachelle Arazas, nakasako at patay na nang ipakita sa kaniya ni Carlos.
Paliwanag niya Carlos, ililibing niya ang aso kung walang kukuha rito makaraan niyang ilagay muna niya sa tabi ng kanilang tindahan para maghintay kung may maghahanap.
Itinanggi rin niya ang mga bintang laban sa kaniya na malipit siya sa aso. Katunayan, ipinakita ni Carlos ang kaniyang alagang aso na si “Billy,” na apat na taong gulang na umano.
Kinumpirma naman ni Cleofe na si Killua ang aso na umatake at kumagat sa kaniya.
Naawa raw siya sa sinapit ng aso, pero naaawa rin siya sa taong tumulong at nagliigtas sa kaniya.
“Kung sasampahan ng kaso dapat busisiin munang maigi yung pangyayari,” giit ni Cleofe, na nagpabakuna na ng anti-rabies pero mayroon pa siyang follow-up check-up.
Lumitaw sa CCTV footage na nakalabas ng bahay si Killua matapos tumalon mula sa bubungan.
Inilibing na ang aso at desidido umano si Arazas na bigyan ng hustisya ang kaniyang alaga na itinuturing niyang anak.
Si Carlos, lumapit naman sa Public Attorney’s Office (PAO) upang humingi ng tulong-legal sakaling tuluyan siyang sampahan ng kaso dahil sa paglabag umano sa Animal Welfare Act.
Ayon sa pulisya, maaaring mabilanggo ang sinuman ng anim na buwan hanggang isang taon, at may multang P1,000 hanggang P30,000, sa mga mapapatunayang lumabag sa naturang batas.
Ngunit tanong ni Carlos sa nangyari sa kaniyang sitwasyon, “Ano ang mas mahalaga kung yung [buhay ng] tao o yung aso?”
Makiusap din siyang huwag idamay ang kaniyang pamilya sa pangyayari. –FRJ, GMA Integrated News
>>> Read full article>>>
Copyright for syndicated content belongs to the linked Source : GMA News – https://www.gmanetwork.com/news/topstories/ulatfilipino/901544/babae-sa-camsur-ikinuwento-ang-nangyaring-pag-atake-sa-kaniya-ni-killua-baka-ako-pa-ang-unang-nap/story/