Ano ang kahalagahan ng Visita Iglesia sa mga mananampalataya?

Ano ang kahalagahan ng Visita Iglesia sa mga mananampalataya?

Sa tuwing Huwebes o Biyernes Santo, isa sa mga panatang isinasagawa ng mga Katoliko ang Visita Iglesia, o pagdalaw sa pito o 14 na mga simbahan sa iba’t ibang lugar. Ano nga ba ang kahalagahan nito para sa mga mananampalataya?

Ayon kay Reverend Father Kevin Crisostomo, kasalukuyang Parish Priest ng San Antonio de Padua Parish sa Parañaque at Head ng Diocesan Social Communications Ministry ng Diocese of Parañaque, ang Visita Iglesia ay mas naaangkop na tawaging isang “pilgrimage,” o isang “spiritual exercise” na paglalakbay sa iba’t ibang mga simbahan o banal na lugar.

Dahil isa itong spiritual exercise, mayroon din itong “spiritual purpose.”

“Ang spiritual purpose niya ay climbing the ‘mountain’ towards Jesus. Alam natin ang mga mountain ay special place of encounter with God,” saad ni Father Crisostomo.

Sa tuwing nananalangin si Hesus, umaakyat Siya sa kabundukan upang kausapin ang Diyos Ama, at dito rin Siya nag-“transfigure” o nagbagong-anyo sa harap ng Kaniyang mga disipulo.

“Dito na makikita natin, mayroon ngayong journey towards Jesus. At ‘yon ngayon ‘yung ginagawa sa pilgrimage. It’s a journey to holy places to encounter Jesus,” paliwanag ni Father Crisostomo.

Bilang isa namang espirituwal na disiplina, itinuturo rin ng pilgrimage o Visita Iglesia na harapin ng tao ang mga humahadlang sa kaniya o ang mga hamon niya sa buhay.

“Sa buhay ng tao, hindi tayo turista. Tayo ay naglalakbay o pilgrim. ‘Pilgrim’ came from the Latin ‘peregrinus’ o journey,” saad ni Father Crisostomo.

“Siyempre, sa buhay ng tao, kailangan usad lang. We keep moving. There will be stops. Okay lang tumigil. Okay lang magpahinga. Pero huwag sumuko. ‘Yan ang sa pilgrimage ng buhay,” dagdag niya.

Sa pagsasagawa ng pilgrimage o Visita Iglesia, mainam na may kasama ring mga kapwa pilgrim o peregrino.

“Napakaganda mayroon tayong companions. At ‘yung companions na ‘yon ay hindi mo lang kasama na driver, tagabili ng pagkain, tagabuhat ng tubig, they are also your prayer partners. We are prayer partners in life,” anang pari.

“Paglalakbay ng puso, paglalakbay mula sa puso, paglalakbay ng may puso, at paglalakbay patungo sa puso,” sabi pa ni Father Crisostomo.

Sabi pa niya, nag-ugat ang tradisyong ito sa isinasagawang pagbisita ng mga mananampalataya sa mga banal na lugar kung saan nagtungo o naglakad si Hesus gaya ng Holy Land.

“Saints throughout history have made pilgrimages because they want to encounter Christ, they want to pray for a particular intention, they are preparing for something big,” saad niya.

Sa paglawak pa ng sakop noon ng Iglesia Katolika, nagkaroon ng apat na malalaking Basilica na nagsasagawa ng pilgrimage ang mga deboto: ang St. Peter’s Basilica, Basilica of Saint Paul Outside The Walls, Archbasilica of Saint John Lateran, at Basilica of Saint Mary Major.

“Mayroon din mga santo, bago sila mag-found ng isang congregation, magpi-pilgrimage muna sila or the pilgrimage is part of it. Or, when you’re making a vow. Sa mga religious, minsan kasama rin ang pilgrimage. For example, bago ka i-ordain, bago ka mag-receive ng profession of vows, or part of entering the seminary,” pagpapatuloy ni Father Crisostomo.

Ilan dapat ang bibisitahing simbahan?

Sa isang Lenten pilgrimage o Visita Iglesia, pito o 14 ang kadalasang bilang ng mga simbahan na binibisita. Ano nga ba ang kahulugan ng mga numerong ito?

“Nanggaling siya dito sa tradisyon ng Stations of the Cross. There are 14 stations. Of course, 14 is a multiple of 7. Kaya puwedeng may twos,” saad ni Father Crisostomo.

Sa kabila nito, hindi naman mahalaga ang bilang ng mga simbahang pinupuntahan, kundi kung ano lamang ang abot-kaya ng isang deboto.

“Ibig sabihin kapag ikaw ‘yung nag-pilgrimage, you could go to just two churches or just one church, three churches. Pinakamahalaga dito ‘yung puso ng pilgrimage. That you go there for a particular purpose. Whether it is to pray, whether it is to reflect and contemplate, whether it is for a particular intention,” payo ng pari.

Sa pagsasagawa ng pilgrimage o Visita Iglesia, ilang mananampalataya ang naglalakad nang nakapaa lamang. Hindi naman ito masama, ayon kay Father Crisostomo.

“‘Yung nakapaa ay kasama sa element ng sacrifice, ‘yung prosesong yapak. Though we don’t have to do it, pero some people see it as a way of sacrifice. Pakikiisa kay Kristo. Kasi si Kristo noong Siya ay naglakad sa patungong Kalbaryo, Siya ay nakapaa. Kaya kasama ‘yung iba. That’s their mode and element of the sacrifice,” sabi niya.

 ‘Di kailangang saktan ang sarili

Idiniin ni Father Crisostomo ang matagal nang paalala ng Iglesia Katolika na hindi nito hinihikayat ang pagpapapako o madudugong penitensiya o “self-flagellation” tuwing Semana Santa.

“Because we believe that Jesus sacrificed once and for all. Hindi naman natin inuulit. But we participate in the suffering of Christ,” aniya.

“Pero in this day and age, you don’t have to hurt yourself physically in order to do a sacrifice. Ang pinakamahalagang sacrifice is coming from the heart. Pag-iwas sa kasalanan, paghingi ng tawad, paglayo sa bisyo,” pagpapatuloy ni Father Crisostomo.

“Aanuhin mo ‘yung magpalo ka, pagkatapos naman, balik din naman tayo sa dati?” dagdag niya.

5 P’s sa Visita Iglesia

May limang puntong ibinigay si Father Crisostomo na magsisilbing gabay sa pagsasagawa ng Visita Iglesia o pilgrimage ngayong Semana Santa.

1. Plan – Saliksikin ang kuwento ng bibisitahing simbahan o lugar, at kilalanin ang patron nito, upang makapagbigay ng mga partikular na intensyon. Mahalaga ring alamin ang dadaanang ruta para hindi maligaw.

2. Prepare – Ihanda ang mga kinakailangan para sa Visita Iglesia. I-research kung may C.R. o kakainan sa pupuntahang lugar, at kung may Misa o kumpisalan.

3. Purpose – Ilan sa mga dahilan ng pagsasagawa ng pilgrimage ang “penance” o paghingi ng tawad sa Diyos, o “break the routine” o pagpasyal naman sa ibang lugar.

4. Patience – Sa pilgrimage sinusubok ang pasensiya ng isang tao, lalo na kung mainit, traffic, o mahaba ang pila CR.

“We remember ‘yung Christian discipline called mortification. Mortification means dying to oneself. Kapag tayo na pilgrimage, there will be inconveniences but we see it as joining in the suffering of Christ. We die to ourselves so that a new life, a new me, a new us will emerge and live,” saad ni Father Crisostomo.

5. Prayer – Ang pinagkaiba ng isang pilgrimage sa isang “tour” o paglilibot ay ang panalangin.

“Puwede ka rin mag-pilgrimage pero nakakalimutan natin magdasal kasi wala tayong ginawa kundi mag-picture lang doon sa mga lugar, tour ‘yon. But what makes a pilgrim different from a tourist, is a pilgrim praises. We bring our petitions in every place that we visit and we take time to pray,” saad ni Father Crisostomo.

Gayunman, nilinaw ni Father Crisostomo na hindi naman masama ang kumuha ng mga larawan, dahil magsisilbi itong dokumento ng ating pananalangin.

Bukod dito, makipagkuwentuhan din sa prayer partner sa Visita Iglesia at alamin ang kaniyang mga panalangin o kahilingan at ipagdasal ito.

 “Bilang spiritual exercise, it will involve sacrifice,” saad niya. “Kaya napakahalaga po na sa ating paglalakbay, meron din tayong intention. Ating intention na ‘yun, we keep in mind, we not only pray for ourselves, but we pray for one another.”

Ipinaliwanag din ni Father Crisostomo na personal na desisyon ng isang tao ang sumali sa pilgrimage o Visita Iglesia.

“Yung pilgrimage as a spiritual exercise, it depends on the decision of the person. Ngayon, kung nakikita ng taong ito na makakatulong sa kaniya ang mag-pilgrimage, well and good. Pero kapag hindi naman niya kaya, for example, may sakit, may karamdaman, the most important pilgrimage is a pilgrimage of the heart, not just a pilgrimage to places. Because our hearts are on a journey to Christ. ‘Yun ang pinaka-importante ng paglalakbay kasama kay Kristo,” paalala niya.

7 Simbahang maaaring bisitahin sa Metro Manila para sa Visita Iglesia

Higit sa pamamasyal o paggala, ang pilgrimage o Visita Iglesia ay ang pagbisita sa mga banal na lugar upang magkaroon ng ugnayan kay Hesus at ang ginawa Niyang sakripisyo para mailigtas ang sangkatauhan. Narito ang ilan sa mga sikat na simbahan sa Metro Manila na maaaring bisitahin ngayong Huwebes o Biyernes Santo, base sa nakalap ng GMA Integrated News Research.

1. Quiapo Church o Minor Basilica of the Black Nazarene

Opisyal nang idineklara bilang National Shrine of the Black Nazarene noong Enero 29, 2024, kilala rin ang Quiapo Church bilang Minor Basilica at Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene.

Dinarayo ang Quiapo Church dahil dito makikita ang Itim na Nazareno na ipinuprusisyon ng milyon-milyong mga deboto tuwing Enero.

2. Baclaran Church o National Shrine of Our Mother of Perpetual Help

Ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran, Parañaque ang pinakamalaking shrine sa mundo na itinalaga para sa Our Mother of Perpetual Help. Umaabot ng 150,000 deboto ang dumarayo rito tuwing Miyerkoles.

3. Manila Cathedral o Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception

Ang Manila Cathedral ang nagsisilbing katedral ng Archdiocese of Manila na matatagpuan sa Plaza de Roma sa Intramuros.

Itinalaga ito sa Inmaculada Concepcion ng Birheng Maria, na siyang Patrona ng bansa.

4. St. Joseph Parish Church o Bamboo Organ Church

Nasa pag-iingat ng St. Joseph Parish Church sa Las Piñas ang Bamboo Organ ang pinakamatanda at pinakamalaking pipe organ na matatagpuan sa Pilipinas.

Itinayo sa pagitan ng 1797 at 1819, mayroon itong istrukturang arkitektural na “earthquake” Baroque na gawa sa adobe stones.

5. San Agustin Church

Matatagpuan din sa Intramuros sa Maynila, itinuturing UNESCO World Heritage site ang San Agustin Church.

Itinayo ito noong 1607 sa pangangasiwa ng Order of Saint Augustine, at kasalukuyang itinuturing pinakamatandang simbahan na gawa sa mga bato sa Pilipinas

6. Binondo Church

Kilala bilang ang Binondo Church, ang Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz ay itinayo ng mga Dominikano noong 1596 at inisyal na itinalaga kay San Gabriel Arkangel na naging patron ng Binondo hanggang kalagitnaan ng 19 siglo.

Kilala rin ito bilang Our Lady of the Most Holy Rosary Parish dahil sa paggalang nito kay Birheng Maria bilang patrona ng Binondo mula 1700s hanggang sa kasalukuyan.

7. St. Pio of Pietrelcina Chapel

Matatagpuan sa Bagumbayan, Quezon City, nagsimula lamang ang St. Pio of Pietrelcina Chapel sa isang maliit na kuwarto ng isa sa mga pang-opisinang gusali na mayroon ding pro golf shop.

Ngunit dahil sa patuloy na debosyon kay St. Pio, dumami pa nang dumami ang mga debotong bumibisita sa kapilya at kinailangan itong ilipat sa ibang lugar. Isa lamang mumunting kapilya noon na ginagamitan ng office desk bilang altar, malaki na ito ngayon kung saan kasya ang 500 katao. — FRJ, GMA Integrated News

>>> Read full article>>>
Copyright for syndicated content belongs to the linked Source : GMA News – https://www.gmanetwork.com/news/topstories/ulatfilipino/901533/ano-ang-kahalagahan-ng-visita-iglesia-sa-mga-mananampalataya/story/

Exit mobile version